Creamline hindi maaaring magkumpiyansa sa PVL AFC
MANILA, Philippines — Hindi maaaring maging kampante ang Creamline sa pagdedepensa ng korona sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Mismong si Cool Smashers’ team captain Alyssa Valdez ang nakapansin sa paglakas ng iba pang koponan.
“Honestly, everything has changed talaga. The competitiveness of each and everyone mas tumaas, mas nag-level up,” obserbasyon ni Valdez.
Sa pagpasok ng Christmas break ay nagposte ang Creamline ng matayog na 4-0 record, habang may 5-1 baraha ang Petro Gazz.
Taglay ng Cignal HD ang 4-1 kartada kasunod ang Chery Tiggo (4-2), PLDT (3-2), Akari (3-3), Choco Mucho (3-3), ZUS Coffee (2-3), Farm Fresh (2-3), Capital1 Solar Energy (1-4), Galeries Tower (1-5) at Nxled (0-5).
Magbabalik ang PVL AFC sa Enero 18 tampok ang tatlong laro sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagmula ang Cool Smashers sa pahirapang 25-22, 28-30, 26-24, 17-25, 15-13 pagtakas sa Thunderbelles noong Disyembre 12.
Sa nasabing panalo ay humataw si Valdez ng team-high 17 points.
“Hopefully, we bring that into next year. Mas mahaba at sunud-sunod ‘yung games, and mas crucial din. Sana ma-sustain namin and maging responsive kami sa accountability to stay in that position,” wika ng 28-anyos na si Valdez.
Sasalang ang Creamline sa Enero 21 katapat ang Capital1 sa Philsports Arena para sa kanilang unang laro sa taogn 2025.
- Latest