Ika-3 sunod ipininta ng Rain or Shine

Sinupalpal ni Rain or Shine import Deon Thompson ang layup ni Magnolia guard Paul Lee.

MANILA, Philippines — Itinuloy ng Rain or Shine ang kanilang ratsada sa tatlo matapos umeskapo sa Magnolia, 102-100, sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

Umiskor si import Deon Thompson ng 18 habang may 17, 15, 11 at 10 mar­kers sina Leonard Santillan, Andrei Caracut, Caelan Tiongson at Adrian Nocum, ayon sa pagkakasunod.

Itinaas ng Elasto Pain­ters ang baraha nila sa 4-1 at inihulog ang Hotshots sa ikaapat na sunod na kamalasan para sa 1-4 karta.

“For most part of the first half and third quarter, we had the game under control actually. Kaya lang nawala iyong momentum sa amin patapos noong third quarter at napunta sa kanila,” ani Rain or Shine coach Yeng Guiao.

Ang tinutukoy ni Guiao ay ang itinayo nilang 13-point lead, 79-66, sa 3:56 minuto ng third period na ibinasura ng Magnolia para ilista ang 98-86 bentahe sa 6:42 minuto ng fourth quarter.

Ngunit bumanat ang Elasto Painters ng isang 12-2 atake para muling agawin ang abante sa 102-100 sa huling 3:26 minuto.

“The good thing about this is ang ganda noong balik namin. Nabalikan pa namin iyon. Usually. kung iyong dating team namin kapag nag-collapse ka na ng ganyan, hindi na kami makabalik,” ani Guiao.

Nakuha ni Hotshots’ import Ricardo Ratliffe ang kanyang ikaanim at huling foul sa huling 2:46 minuto at hindi na nakaiskor pang muli ang tropa ni coach Chito Victolero.

Napilitang ipasa ni Paul Lee ang bola kay rookie Jerom Lastimosa na naimintis ang tangkang four-point shot sa pagtunog ng final buzzer.

Bumira si Ratliffe ng 27 points para sa Magnolia at may 21 markers si Ian Sangalang habang nag-ambag si Mark Barroca ng 18 points.

Show comments