Quentin Millora-Brown inialay sa kanyang lolo ang kampeonato ng UP sa Season 87

Emosyunal na nagyakapan ang mga UP players matapos talunin ang La Salle sa Game 3 ng UAAP Season 87 Finals.
Russell Palma

MANILA, Philippines — Hindi lang para mag-umento ang talento kaya pi­nili ni center Quentin Millora-Brown na maglaro sa University of the Philip­pines, nais din niyang ipagpatuloy ang pamana ng kanyang pamilya.

Pagtunog ng final buz­zer, emosyunal si Millora-Brown dahil maliban sa ta­gumpay nila ay alam ni­yang masaya ang kanyang lolo na sumakabilang-buhay na.

Inspirasyon ng 6-foot-10 Fil-Am ang kanyang lolong si Dr. Angel Millora, isang UP alumnus na nag-graduate sa UP College of Me­dicine noong 1963.

“I thank my Lolo, I hope he’s been watching down from Heaven with my Lola up in Heaven. It’s the greatest ending to my short UAAP career.” ani Millora-Brown. “I just had a big smile after the buzzer. Basketball was one of his passions, along with medicine.”

Kalmado ang mga ka­may ni Millora-Brown sa clutch matapos nitong magsalpak ng apat na free throws na isa sa mga susi ng kanilang tagumpay.

Iiwanan ni Millora-Brown ang UP na baon ang masasayang sandali nito sa kanyang collegiate ca­reer bilang ahtlete at es­tudyante.

Pero ayon sa kanya, ma­nanatili sa puso niya ang maayos na relasyon sa kanyang mga teammates, coaches, management at sa pamilya.

“These friendships are friendships that are for life. Similar to my move to join UP to continue my family’s legacy, I’ve now gained another family of my own with these guys.” pahayag ni Millora-Brown.

Lamang ang Fighting Maroons ng dalawa, 64-62, may 11.3 segundo na lang sa orasan at pumuwesto si Millora-Brown sa free throw line.

Naalala nito ang bilin ng lolo niya sa kanya tungkol sa kung gaano ka importante ang free throws.

Kaya naman walang ka­bang ipinasok nito ang da­lawang libreng tira upang selyuhan ang 66-62 panalo laban sa napatalsik sa tronong De La Salle University noong Linggo ng gabi sa do-or-die Game 3 ng UAAP Season 87 men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.

“It was always free throws, he would always talk about free throws. Being able to come in and hit two clutch free throws in the end, it was a great nod to him. I’m so happy.” kuwento ni Millora-Brown.

Tumikada si Millora-Brown ng team-high 14 points bukod pa sa 10 re­bounds, 1 block at 1 steal para ikahon ang overall four championships para sa UP.

Samantala, natuldukan ng Fighting Maroons ang dalawang seasons na kabiguan sa Game 3 finals.

Una silang natalo sa Ate­neo de Manila Universi­ty Blue Eagles noong season 85 kasunod sa Green Archers sa Season 86.

Show comments