UAAP crown nabawi ng UP

Ang pagbubunyi ng University of the Philippines matapos ang kanilang pagsikwat sa UAAP Season 87 crown.

MANILA, Philippines — Naibalik ng University of the Philippines ang korona sa kanilang bakuran matapos patalsikin sa trono ang De La Salle University, 66-62 sa do-or-die Game 3 ng UAAP Season 87 men’s basketball tournament na nilaro sa Araneta Coliseum kagabi.

Nagsanib puwersa sina graduating student JD Cagulangan, Francis Lopez at Quentin Millora-Brown upang akbayan ang Fighting Maroons sa dikdikang laban sa dulo at makuha ang kampeonato sa kanilang best-of-three showdown.

Lamang ng isang puntos ang UP 61-60 sa 1:31 mark sa fourth canto, yumanig ang Big Dome nang isalpak ni Lopez ang pandiinan na tres para hawakan ang 64-60 bentahe.

Natapyasan pa ng La Salle ang lamang ng UP, 62-64 may 46 segundo pa ang nalalabi, pero sinel­yuhan ni Millora-Brown ang panalo ng Diliman squad nang ipasok nito ang dalawang libreng tira.

Nakalsuhan ng Fighting Maroons ang dalawang season na first runnerup na puro nasagad sa Game 3 ang laban kaya naman inaasahang masarap ang pakiramdam nila sa pagbabalik ng titulo sa kanilang eskuwelahan.

Nahawakan ng Figh­ting Maroons ang limang puntos na bentahe, 21-16 matapos ang kanilang 11-0 run may 45 segundo na lang sa first canto, pero nanatili ang tikas ng Green Archers at naitabla nila ang iskor sa 21-all papasok ng second period.

Mainit na sinimulan ng Green Archers ang fourth quarter nang itabla nila ang iskor sa 58-all may 7:11 minuto pa sa orasan pero determinado ang Fighting Maroons na makuha ang korona matapos isalpak ni Cagulangan ang pamatay na tres para hawakan ang tatlong puntos na bentahe at pinahigpit na lamang nila ang kanilang depensa hanggang sa maubos ang oras.

Show comments