LAS VEGAS — Ang Milwaukee Bucks ni Giannis Antetokounmpo at ang Oklahoma City Thunder ni Shai Gilgeous-Alexander ang magtutuos sa NBA Cup title game.
Kumolekta si Antetokounmpo ng 32 points, 14 rebounds, 9 assists at 4 blocks para banderahan ang Bucks (14-11) sa 110-102 paggupo sa Atlanta Hawks (14-13) sa kanilang semifinals match.
“I’ll do whatever it takes to win a game,” sabi ni Antetokounmpo. “I’m happy that I did, because I feel like it translated to the whole team.”
Nag-ambag si Damian Lillard ng 25 points at 7 assists para sa Bucks na tinalo ng Indiana Pacers sa nakaraang NBA Cup semis.
Humataw si Trae Young ng 35 points bukod sa 10 assists at 7 rebounds sa panig ng Hawks.
Humugot naman si Gilgeous-Alexander ng 20 sa kanyang 32 points sa second half para akayin ang Thunder (20-5) 111-96 pagdaig sa Houston Rockets (17-9) sa isa pang semis game.