Highrisers bagsak sa Crossovers

Nagdagdag si Aby Maraño ng 15 markers para sa 4-2 kartada ng Crossovers habang may 14, 13 at 11 points sina Pauline Gaston, Shaya Adorador at Ara Galang, ayon sa pagkakasunod.
Philstar.com/ File

MANILA, Philippines —  Pumalo si Ces Robles ng 21 points mula sa 20 attacks at isang service ace para igiya ang Chery Tiggo sa 30-28, 20-25, 19-25, 25-16, 15-8 pag-eskapo sa Galeries Tower sa huling laro ng Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference para sa taong 2024 kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Nagdagdag si Aby Maraño ng 15 markers para sa 4-2 kartada ng Crossovers habang may 14, 13 at 11 points sina Pauline Gaston, Shaya Adorador at Ara Galang, ayon sa pagkakasunod.

“Effort talaga ng lahat iyon. Iyong unang tatlong sets parang hindi maayos iyong galaw namin, parang malamya,” ani Robles. “Pero lumabas naman sa fourth set. Effort ng lahat iyon, gustong manalo ng lahat.”

Pinamunuan ni France Ronquillo ang Highrisers, nadiskaril ang asam na ikalawang sunod na panalo at nalaglag sa 1-5 baraha, sa kanyang 18 points.

Nakabawi ang Galeries Tower sa 28-30 talo sa first set para agawin ang 2-1 lead mula sa mga panalo sa second at third frames.

Sa likod nina Robles, Adorador at Gaston ay tumabla ang Chery Tiggo sa fourth set, 25-16, para makapuwersa ng deciding fifth frame.

Kaagad lumamang ang Crossovers sa 8-4 sa fifth set na hindi na naputol ng Highrisers.

Nag-ambag si Jewel Encarnacion ng 16 points para sa Galeries Tower kasunod ang 15 markers ni Ysabel Jimenez.

Show comments