MANILA, Philippines — Ang ikatlong kabit na panalo ang hangad ng Barangay Ginebra, habang target ng nagdedepensang San Miguel ang back-to-back wins sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
Lalabanan ng Gin Kings ang bisitang Eastern team ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang pakikipagtuos ng Beermen sa Blackwater Bossing sa alas-5 ng hapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Magkasunod na nilasing ng Ginebra ang NLEX, 109-100, at ang Phoenix, 94-72, para sa kanilang 2-0 panimula sa torneo.
Wagi rin ang Eastern sa TNT Tropang Giga, 105-84, at Blackwater, 84-75, para solohin ang second spot taglay ang 4-1 baraha.
Depensa ang inaasahang gagamitin ng Gin Kings sa pagsagupa sa Hong Kong squad na muling ipaparada si 6-foot-10 American import Chris McLaughlin.
“Our philosophy is a defensive team first. We will tolerate offensive mistakes but defense is more of effort and knowledge,” ani Ginebra coach Tim Cone.
Sa unang laro, hangad ng San Miguel (2-2) na masundan ang kanilang 106-88 paggupo sa Terrafirma (0-5) sa pagharap sa Blackwater (1-3).
Ang nagbabalik na si coach Leo Austria ang humawak sa SMB na tinapos ang two-game losing skid.
“Masaya kami nakabalik si Paps (Austria) at nakuha namin ang panalo. Sana tuluy-tuloy na,” ani eight-time MVP June Mar Fajardo kay Austria na pumalit kay Jorge Gallent na inilagay bilang team consultant.