Raptors tustado sa Heat; Celtics dinaig ang Pistons
MIAMI — Kumolekta si center Bam Adebayo ng 21 points, 16 rebounds at 5 assists para tulungan ang Heat sa 114-104 pagpapatumba sa Toronto Raptors.
Binanderahan ni Tyler Herro ang Miami (13-10) sa kanyang 23 points, samantalang may 14 at tig-11 markers sina Nikola Jovic, Jimmy Butler at Dru Smith, ayon sa pagkakasunod.
Pinangunahan naman ni guard Gradey Dick ang Toronto (7-19) sa kanyang 22 points kasunod ang 16 markers ni center Jake Poetl.
Naglista si team scoring leader RJ Barrett ng triple-double na 13 points, 11 rebounds at 10 assists.
Bumangon ang Heat mula sa isang 16-point defticit sa second quarter tampok ang 11 points ni Jovic.
Sa Boston, bumira si Payton Pritchard ng 27 points tampok ang pitong three-pointers para tulungan ang nagdedepensang Celtics (20-5) sa 123-99 paggupo sa Detroit Pistons (10-16).
Nagdagdag si Derrick White ng 23 points kasama ang pitong triples para sa Boston na hindi pinaglaro sina All-Star Jayson Tatum (sore right knee) at Sam Hauser (strained abdominal muscle).
Pinamunuan ni Cade Cunningham ang Pistons sa kanyang 18 points, 8 rebounds at 8 assists.
Sa New Orleans, nagpasabog si Domantas Sabonis ng season-high 32 points at dinuplika ang season best 20 rebounds para gabayan ang Sacramento Kings (13-13) sa 111-109 pagtakas sa Pelicans (5-21)
Bumanat si DeMar DeRozan ng 29 points, habang may tig-18 markers sina De’Aaron Fox at Keegan Murray para sa ikatlong sunod na ratsada ng Sacramento.
Nagpaputok si CJ McCollum ng season-high na anim na 3-pointers at tumapos na may 36 points para sa New Orleans.
- Latest