Green isinalba ang Rockets sa Warriors
HOUSTON — Isinalpak ni Fil-Am Jalen Green ang dalawang free throws sa huling 3.5 segundo para iligtas ang Rockets kontra sa Golden State Warriors, 91-90, at magmartsa sa NBA Cup semifinal round sa Las Vegas, Nevada.
Tinapos ng Houston (17-8) ang 15-game losing skid sa Golden State (14-10) na huli nilang tinalo noong Pebrero 20, 2020.
Lalabanan ng Rockets ang Oklahoma City Thunder sa semifinals sa Linggo.
Tumapos si Green na may 12 points habang humakot si center Alperen Sengun ng 26 points at 11 rebounds.
Nag-ambag si Jabari Smith Jr. ng 15 points.
Mintis ang tangkang three-point shot ni Stephen Curry sa huling 11 segundo at nakuha ni Gary Payton II ang rebound.
Ngunit naagaw ni Green ang pasa ni Payton na nagresulta sa foul sa kanya ni Jonathan Kuminga para sa winning free throws.
Sinupalpal naman ni Smith ang 3-point attempt ni Brandin Podziemski sa huling posesyon ng Golden State.
Sa New York, naglista si guard Trae Young ng 22 points at 11 assists sa 108-100 pagdagit ng Atlanta Hawks (14-12) sa Knicks (15-10) patungo sa NBA Cup semifinals.
Haharapin ng Atlanta ang top-seeded Milwaukee Bucks sa semis.
Tumipa si De’Andre Hunter ng 24 markers at humakot si Jalen Johnson ng 21 points, 15 rebounds at 7 assists.
Pinamunuan ni Josh Hart ang Knicks sa kanyang 21 points.
- Latest