TNT sumampa sa win column
MANILA, Philippines — Nalampasan ng TNT Tropang Giga ang pagbangon ng Magnolia mula sa isang 12-point deficit para itakas ang 103-100 panalo sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Sumampa ang Tropang Giga sa win column sa kanilang 1-2 record, habang laglag ang Hotshots sa ikatlong sunod na kamalasan para sa 1-3 marka.
Nagpaputok si Calvin Oftana ng career-high 42 points tampok ang siyam na three-point shots habang may 41 markers si import Rondae Hollis-Jefferson.
“Our only focus for this game is effort,” ani coach Chot Reyes. “That was written in big letters on our board because I was very, very upset with the effort that we showed in the first two games.”
Itinayo ng Tropang Giga ang 12-point advantage, 89-77 sa 7:52 minuto ng fourth quarter mula sa fastbreak dunk ni Hollis-Jefferson bago nakalapit ang Hotshots sa 88-91 sa 3:55 minuto nito.
Ang magkasunod na triples nina Roger Pogoy at Oftana ang muling naglayo sa TNT sa 97-88 kasunod ang dalawang free throws ni Hollis-Jefferson para sa kanilang 99-88 kalamangan sa huling 1:46 minuto.
Isinalpak ni Oftana ang kanyang pang-siyam na tres sa nalalabing 1:20 minuto para ibaon ang Magnolia sa 102-90.
Nauna nang inilista ng Tropang Giga ang 81-70 abante sa huling 1:26 minuto ng third canto, habang nakadikit ang Hotshots sa pagsasara nito, 75-83.
- Latest