Batang Pier nakaiwas sa Tropang Giga

Hinawi ni NorthPort import Kadeem Jack ang braso ni Ian Sangalang ng Magnolia para makaiskor.
PBA Image

MANILA, Philippines — Muling sinandigan ng NorthPort ang kanilang depensa para paluhurin ang TNT Tropang Giga, 100-95, sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.

Sinolo ng Batang Pier ang liderato sa kanilang 4-0 record habang bagsak ang Tropang Giga sa 0-2 baraha.

“It was big. We definitely knew that they’re gonna give us their best game coming into this game. For us to be 4-0 right now is big for us,” ani Joshua Munzon na tumipa ng 20 points, 4 steals, 3 rebounds at 2 assists para pamunuan ang NorthPort,

Umiskor si import Kadeem Jack ng 27 markers  habang may 17 at 12 points sina Arvin Tolentino at Will Navarro, ayon sa pagkaka­sunod.

Pinamunuan ni Calvin Oftana ang TNT sa kanyang 20 points at nalimitahan si two-time PBA Best Import Rondae Hollis-Jefferson sa 19 markers.

Kinuha ng Tropang Giga ang 64-53 kalama­ngan sa third period bago inagaw ng Batang Pier ang 65-64 bentahe sa 4:15 minuto nito mula sa isang 12-0 atake.

Ang dalawang free throws ni Hollis-Jefferson sa 2:45 minuto ng fourth quarter ang nagbigay sa TNT ng 94-93 abante sa huling pagkakataon.

Show comments