HD Spikers malakas ang signal sa Cebu

Chameleons ‘di pinaporma

MANILA, Philippines — Humataw si Vanie Gandler ng 13 points mula sa 9 attacks, 3 blocks at isang service ace para pamunuan ang Cignal HD sa 25-18, 25-22, 25-23 paggiba sa Nxled sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Confe­rence kahapon sa Minglanilla Sports Complex sa Cebu City.

Nagdagdag si team captain Ces Molina ng 10 markers para sa 4-0 record ng HD Spikers at solohin ang liderato.

“Ang dami pang kulang. Kailangan lang naming maka-recover lang ulit for the meantime and then trabaho lang ulit,” sabi ni coach Shaq delos Santos.

May walong puntos si Roselyn Doria kasunod ang pitong marka ni Riri Meneses habang naglista si libero Dawn Macandili-Catindig ng 12 excellent digs at may 11 excellent sets si Gel Cayuna.

Pinamunuan ni Chiara Permentilla ang Chameleons, bagsak sa 0-4 marka, sa kanyang 18 points at nag-ambag sina Lucille Almonte at Lycha Ebon ng 11 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod.

Kinuha ng Cignal ang 2-0 kalamangan bago inilista ng Nxled ang 16-14 abante sa third set.

Nag-brownout naman sa venue ng halos 15 minuto na nagpalamig sa mainit na ratsada ng Chameleons na nagresulta sa pag-agaw ng HD Spikers sa 24-21.

Matapos ang kill block ni Kyla Atienza sa hataw ni Ishie Lalongisip para sa 22-24 pagpalag ng Nxled ay umiskor si Molina para sa panalo ng Cignal.

Show comments