Kennedy bumida sa pagkuryente ng Bolts sa Dyip

Import DJ Kennedy barrels his way to a huge debut in the PBA last night.
PBA Images

MANILA, Philippines — Hindi nagkamali ng pag­pili ang Meralco kay im­port DJ Kennedy.

Iniskor ni Kennedy ang 29 sa kanyang 32 points sa second half para tulu­ngan ang Bolts sa 96-91 pag­kuryente sa Terrafirma Dyip sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup ka­ha­pon sa Ninoy Aquino Sta­dium.

Dumiretso ang Meralco sa ikatlong sunod na pa­nalo para sosyohan ang NorthPort sa liderato, ha­bang bagsak ang Terra­firma sa ikaapat na dikit na kamalasan.

Pinili ni coach Luigi Trillo ang 6-foot-6 na si Kennedy, naging teammate ni Justin Brownlee ng Barangay Gi­nebra sa St. John’s College, kumpara sa 6’11 na si naturalized center Ange Kouame bilang kapalit ni in­jured Akil Mitchell.

Nag-init ang mga kamay ni Kennedy sa third quarter para ibigay sa Bolts ang 16-point lead, 67-51, sa 4:42 minuto nito.

Ito ay matapos na ring ku­nin ng Dyip ang 40-39 halftime lead.

Sa likod nina Vic Ma­nuel, Brent Paraiso at Aljohn Melecio ay nakatabla ang Terrafirma sa Meralco sa 91-91 sa huling 1:05 minuto ng fourth period.

Ang krusyal na three-point shot ni Jansen Rios sa nalalabing 9.4 segundo ang naglayo sa Bolts sa 94-91.

Tuluyan nang isinuko ng Dyip ang laban matapos ang inbound error ni Paraiso.

Show comments