WASHINGTON -- Nagposte si Luka Doncic ng triple-double na 21 points, 10 rebounds at 10 assists para banderahan ang Dallas Mavericks sa 137-101 pagpapabagsak sa minalas na Wizards.
Ito ang ika-78 triple-double ni Doncic para tumabla sa seventh place sa career list kasama sina Wilt Chamberlain at James Harden.
Kumamada si Kyrie Irving ng 25 points para banderahan ang ikaanim na panalo ng Dallas (15-8) sa huling 11 laro.
Laglag naman ang Washington (2-18) sa pang-16 dikit na kamalasan.
Sa New York, tumipa si OG Anunoby ng 25 points sa 125-101 dominasyon ng Knicks (14-8) sa Charlotte Hornets (6-16).
Sa Cleveland, umiskor si Donovan Mitchell ng 28 points sa 126-114 paggupo ng Cavaliers (20-3) sa Denver Nuggets (11-9).
Sa Toronto, humataw si Shai Gilgeous-Alexander ng 30 points at nagdagdag naman ng 20 markers si Jalen Williams sa 129-92 pagrapido ng Oklahoma City Thunder (17-5) sa Raptors (7-16).
Sa Memphis, nagtala si Marcus Smart ng 18 points sa 115-110 panalo ng Grizzlies (15-8) kontra sa Sacramento Kings (10-13).