Manalo swak sa main draw ng World Cup 10-Ball

MANILA, Philippines —  Nalusutan ni Pinoy cue master Marlon Manalo ang mga tigasing nakatumbukan sa qualifying round upang makapasok sa main draw ng Qatar World Cup 10-Ball Championship sa Ezdan Palace Hotel sa Doha, Qatar.

Napahirapan si 49-anyos na si Manalo bago kinaldag ang kababayang si Aihvan Manaloto, 7-6, sa kanyang huling laro sa qualifying matches.

“I hope to perform well in the Qatar World Cup 10 Ball Championship main draw,” sabi ni Manalo na dating chairman ng Barangay Malamig sa Mandaluyong City.

Matapos mag-bye sa unang round ay magkakasunod na sinagasaan ni Manalo sina Mohamad Alyazeedi ng Qatar, 7-0, Abdullah Alharthi ng Kingdom of Saudi Arabia, 7-0, Mohamed Abdul Karim ng Syria, 7-6, at saka pinataob si Manaloto.

Umabante rin sa main draw si Kyle Amoroto at nag-aabang na sila ni Manalo ng makakalaban sa susunod na tumbukan.

Nakalaan ang guaranteed prize na $450,000 sa nasabing presitihiyosong event kung saan masusungkit ng magkakampeon ang $100,000, habang ang runner-up place ay magbubulsa ng $40,000.

Show comments