Meralco, Terrafirma may bagong imports
MANILA, Philippines — Kapwa magpaparada ng mga bagong imports ang Meralco at Terrafirma para palakasin ang kampanya sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
Isasalang ng Bolts si DJ Kennedy kontra kay Brandon Edwards ng Dyip ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang banatan ng TNT Tropang Giga at guest team Eastern Hong Kong sa alas-7:30 ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Solo ng NorthPort ang liderato hawak ang 3-0 record kasunod ang Meralco (2-0), NLEX (2-1), Converge (2-1), Eastern (2-1), San Miguel (1-0), Rain or Shine (1-1), Magnolia (1-2), Blackwater (0-2), Terrafirma (0-3), Barangay Ginebra (0-0) at TNT (0-0).
Nagmula ang Bolts sa 121-111 panalo sa Elasto Painters kung saan nagkaroon si import Akil Mitchell ng broken nose sa huling 11 segundo at inilagay sa injury/reserve list.
“Against Terrafirma we can’t let our guard down. Kailangan i-double pa namin ang effort,” sabi ni coach Luigi Trillo sa Dyip.
“Sayang naman iyong pinaghirapan naming 2-0 tapos pagdating sa Terrafirma baka talunin pa kami,” dagdag ni Trillo.
Si Edwards naman ang dapat reinforcement ng Terrafirma sa nakaraang Governors Cup kundi lamang nagkaroon ng pre-season injury.
“From what we heard, 6-6 lang ito pero based sa reports mas maayos daw ito. May tira sa labas pero may galaw rin sa loob,” ani Trillo kay Edwards.
Samantala, sisimulan ng Tropang Giga ang misyong makamit ang back-to-back championship sa pakikipagkita sa Eastern na nakalasap ng 81-99 kabiguan sa Elasto Painters.
Muling ipaparada ng TNT si two-time Best Import Rondae Hollis-Jefferson kasama sina Jayson Castro, Roger Pogoy, Calvin Oftana at Poy Erram.
Ang PLDT franchise ang naghari sa nakaraang PBA Governors’ Cup kasama si Hollis-Jefferson.
Itatapat ng Hong Kong team si import Cameron Clark, naglaro sa NLEX, kasama sina Glenn Yang, Ying Lung Cheung at Sheik Muhammad Sulaiman.
- Latest