Nirza hataw ng ginto sa BIMP-EAGA
Napasakamay ni Jamie Danielle Nirza ang gintong medalya sa women’s individual kata event ng 2024 Brunei Darussalam, Indonesia, Malaysia, Philippines - East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA) Friendship Games kahapon na ginanap sa NCCC Mall sa Puerto Princesa City, Palawan.
Nagrehistro si Nirza ng 36.5 puntos para masiguro ang unang puwesto sa naturang event.
Tinalo ni Nirza si Malaysian Anisa Aira Nur na nagtala ng dikit na 36.2 puntos para magkasya lamang sa pilak na medalya.
“Sobrang saya ko po na nakuha ko yung gold dahil pinaghirapan ko po talaga ito. Nagawa ko yung gusto kong gawin sa execution,” ani Nirza.
Bigo naman si Nirza na makumpleto ang double gold matapos magkasya lamang sa pilak na medalya sa women’s team event.
Kasama ni Nirza sa PH squad sina Yesha Ho at Rhina Kawanao na nagsumite ng 34.6 puntos.
Subalit hindi ito sapat para makuha ang panalo matapos maglagak ang Malaysian squad ng 36.7 puntos para sa ginto.
Sa men’s division, nakahirit ng pilak si Arvin Jaydonn Santillan sa advance individual kata event.
Kumana pa ang Pilipinas ng dalawang ginto sa archery event mula kina Nathaniel Andrei Carlos (men’s individual recurve) at Yvonne Forcado (women’s individual recurve).
- Latest