Dyip binangga ng Road Warriors
MANILA, Philippines — Bagama’t naisuko ang 25-point lead sa third period ay hindi naman pinakawalan ng Road Warriors ang kanilang ikalawang dikit na panalo.
Kumalabit si Robert Bolick ng game-high 32 points para banderahan ang NLEX sa 104-85 pagsagasa sa Terrafirma sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Humakot si 6-foot-9 import Mike Watkins ng dambuhalang 26 points at 30 rebounds para sa 2-1 record ng Road Warriors.
Laglag ang Dyip sa 0-3 bagama’t nakahugot kay Vic Manuel ng team-high 22 markers, ang 18 ay iniskor niya sa third quarter.
Hindi na pinaglaro ng tropa si import Ryan Richards sa second half.
Sa kabila ng panalo ay hindi pa rin naitago ni coach Jong Uichico ang pagkadismaya sa kanyang mga bataan.
“Why do they have to weather the storm. They were in control of the game. Why do they have to put themselves in that situation,” ani Uichico. “We gave up 55 points in the second half. It’s good that they weathered the storm.”
Ang tinutukoy ni Uichico ay ang pagpapabaya ng NLEX sa itinayong 67-42 bentahe sa third quarter na pinutol ng Terrafirma sa 81-88 sa huling 4:49 minuto ng fourth period.
Isang 12-4 atake ang ginawa ng Road Warriors sa pamumuno ni Bolick para muling makalayo sa Dyip sa 100-85 sa nalalabing 1:18 minuto sa laro.
Nagdagdag si rookie Xyrus Torres ng 15 points kasunod ang 13 markers ni David Semerad para sa NLEX.
May tig-10 points naman sina Kevin Ferrer at Aljohn Melecio sa panig ng Terrafirma.
- Latest