MANILA, Philippines — Ituturing ni College of St. Benilde star center Allen Liwag bilang ‘pampagising’ ang kabiguan nila sa Mapua University sa Game One ng NCAA Season 100 men’s basketball championship noong Linggo.
Bigo ang Blazers na posasan si reigning MVP Clint Escamis na nagpasabog ng 30 points sa 84-73 panalo ng Cardinals para kunin ang 1-0 lead sa kanilang best-of-three title series.
“Kumbaga pampagising na rin sa amin ito na hindi namin makukuha nang madali ito, hindi sa amin ibibigay nang madali ito,” ani ng 6-foot-6 na si Liwag.
Sa kabiguan ng St. Benilde sa Mapua sa series opener ay humakot si Liwag ng 18 points, 14 rebounds, 3 blocks at 2 steals.
Inaasahang reresbak ang Blazers sa Cardinals sa Game Two para makatabla sa serye sa Sabado sa Smart Araneta Coliseum.
“Siguro panoorin lang namin ‘yung game and tingnan namin kung ano ‘yung magandang adjustment para sa Game Two,” wika ni Liwag.
Bukod sa bigong pagdepensa kay Escamis ay nakapagtala rin ang St. Benilde ng 23 turnovers na nagresulta sa 34 points ng Mapua.