MANILA, Philippines — Maningning ang kampanya ng Team Philippines sa nakalipas na taon partikular na sa 2024 Paris Olympics kung saan nag-uwi ang mga Pinoy athletes ng dalawang ginto at dalawang tansong medalya.
Kaya naman kikilalanin ang husay at galing ng mga Pilipinong atleta sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Annual Awards Night sa Enero 27 sa Manila Hotel.
Hindi malilimutan ang tagumpay ni gymnast Carlos Edriel Yulo na kumana ng dalawang gintong medalya sa Paris Olympics kung saan naghari ito sa men’s floor exercise at men’s vault.
Ito ang pinakamatagumpay na kampanya ng Pilipinas sa Olympic Games upang maging magarbo ang ika-100 taon ng partisipasyon ng bansa sa naturang quadrennial meet.
Nauna nang nagbigay ng gintong medalya si weightlifter Hidilyn Diaz noong 2020 Tokyo Games sa Japan.
Maliban sa dalawang ginto ni Yulo ay nagbulsa rin ng tig-isang tansong medalya sina female boxers Nesthy Petecio at Aira Villegas.
Pangungunahan nina Yulo, Petecio at Villegas ang mga gagawaran ng parangal sa PSA Awards Night kung saan kikilalanin ang Athlete of the Year.
Bahagi rin ng programa ang pagluklok ng isa na namang atleta sa PSA Hall of Fame.
Pinakahuling naisama sa Hall of Fame si track and field legend Lydia De Vega.
Kikilalalnin din ang mga Pinoy Olympians na nagpartisipa sa mga nakalipas na edisyon ng Olympic Games.
Muling igagawad ang Executive of the Year, National Sports Association (NSA) of the Year, President’s Award, Mr. Basketball at Ms. Volleyball.
Bibigyan din ng major awards ang ilang grupo at personalidad gayundin ng citations, Tony Siddayao Awards at Milo Awards para sa mga junior athletes.
Bibigyang pugay din ang mga namayapang sports personalities sa nakalipas na taon.
Ang PSA ay kasalukuyang pinamumunuan ni Philippine Star Sports Editor Nelson Beltran.