SMB sisimulan ang kampanya
MANILA, Philippines — Ipaparada ng San Miguel ang mga bagong hugot na sina shooting guard Juami Tiongson at forward Andreas Cahilig sa pagharap sa Phoenix sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
Sasagupain ng Beermen ang Fuel Masters ngayong alas-7:30 ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Nahugot ng SMB sina Tiongson at Cahilig mula sa Terrafirma kapalit nina Terrence Romeo at Vic Manuel.
Isasalang din ng Beermen si balik-import Quincy Miller na unang naglaro para sa Converge FiberXers noong 2022 at sa TNT Tropang Giga noong 2023.
Itatapat ng Fuel Masters si import Donovan Smith para makasampa sa win column matapos ang 0-2 panimula sa torneo.
Minalas ang Phoenix sa guest team Hong Kong Eastern, 87-102, at sa Meralco, 109-111.
Sa unang laro sa alas-5 ng hapon ay maglalaban ang Dyip at NLEX Road Warriors.
Pakay ng NLEX ang ikalawang sunod na panalo sa tatlong laro makaraan ang 107-95 pagbasag sa Blackwater.
Bagsak ang Terrafirma sa 0-2 marka mula sa mga pagkatalo sa NorthPort at Converge.
- Latest