Hotshots binawian ng FiberXers

MANILA, Philippines — Maagang nagdiwang ang Magnolia nang makapagtayo ng isang 20-point lead sa third period.

Ngunit bumalikwas ang Converge FiberXers sa fourth quarter para talunin ang Hotshots, 93-91, sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.

Kumolekta si Alec Stockton ng 18 points, 10 assists at 7 rebounds para ibigay sa Converge ang 2-1 record at kalimutan ang naunang 106-117 kabiguan sa guest team Eastern Hong Kong.

“It’s a good win for a young franchise like us, for a young team like us,” ani FiberXers’ coach Franco Atienza sa Hotshots. “This what makes players, a grind out game like this.”

Kumamada si center Justin Arana ng 24 points para sa FiberXers.

Bigo ang Magnolia na maduplika ang 118-100 panalo sa Blackwater at mailista ang 2-0 panimula sa torneo.

Ipinoste ng Hotshots, nakahugot kay balik-import Ricardo Ratliffe ng 25 points kasunod ang 14 markers ni rookie Jerom Lastimosa, ang 65-45 bentahe sa third period.

Sa pangunguna nina Stockton at Arana ay nakabangon ang FiberXers at nakatabla sa 91-91 sa hu­ling 43.7 segundo.

Ang tumalbog na jumper ni Zav Lucero sa posesyon ng Magnolia ang nagresulta sa inside basket ni Arana mula sa assist ni Stockton para sa 93-91 kalamangan ng Converge sa natitirang 5.8 segundo.

Minalas si Jerrick A­hanmisi na maipasok ang tangkang three-point shot sa panig ng Hotshots sa pagtunog ng final buzzer.

Show comments