Tolentino bumida sa Batang Pier
MANILA, Philippines — Walang kupas si ace scorer Arvin Tolentino matapos giyahan ang NorthPort sa tambak na 114-87 panalo kontra sa NLEX sa opening weekend ng 2024 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Kumamada ng 29 puntos si Tolentino, Mythical Team member sa nakalipas na season, sahog pa ang 2 reboubds, 2 assists at 1 tapal para sa kumpletong performance sa 27-puntos na tagumpay ng Batang Pier.
Nakakuha ng suporta si Tolentino kay import Kadeem Jack na humakot ng 25 puntos, 6 rebounds, 3 assists at 2 steals.
Nag-ambag din ng 14 at 12 puntos sina Allyn Bulanadi at Joshua Munzon, ayon sa pagkakasunod, para sa mga bataan ni coach Bonnie Tan.
Masagwa ang naging simula ng NorthPort sa 21-29 sa first quarter subalit matindi ang naging balikwas sa second quarter, 35-12, upang makapagtago ng 56-41 bentahe sa halftime.
Hindi na nagpaawat ang NorthPort hanggang sa makapagtayo ng 31 puntos na bentahte tungo sa kumbinsidong tagumpay.
Hindi sumapat ang 29 puntos, 19 rebounds, 4 assists, 1 steal at 2 tapal ng import na si Michael Griffin-Watkins para sa NLEX pati na ang 11 puntos ni Richie Rodger.
- Latest