Lakers tinapos ang kamalasan

SAN ANTONIO — Nagkadena si LeBron James ng triple-double na 16 points, 11 assists at 10 rebounds para pangunahan ang Los Angeles Lakers sa 119-101 pagpapabagsak sa Spurs.

Humakot si Anthony Davis ng 19 points at 14 rebounds sa pagpigil ng Los Angeles (11-7) sa kanilang three-game skid habang may 20 markers si rookie Dalton Knecht.

Kumolekta si Victor Wem­banyama ng 20 points at 10 rebounds sa panig ng San Antonio (10-9) na natapos ang four-game winning streak.

Nagtala ang Lakers ng isang 15-point lead sa first half patungo sa 92-77 paglayo sa Spurs papasok sa fourth quarter.

Sa Cleveland, naglista si Trae Young ng career-high 22 assists — ang pinakamarami ngayong season — at umiskor ng 20 points para akayin ang Atlanta Hawks (8-11) sa 135-124 panalo sa Cavaliers (17-2).

Sa Philadelphia, humataw si Fil-Am Jalen Green ng season-high 41 points sa 122-115 overtime win ng Houston Rockets (14-6) sa 76ers (3-14).

Sa Washington, nagbagsak si James Harden ng season-high 43 points sa 121-96 paggupo ng Los Angeles Clippers (12-8) sa Wizards (2-15).

Show comments