High speed hitters lider na

Blinangka ni Fiola Ceballos ng PLDT ang hataw ni Des Clemente ng Capital1.

MANILA, Philippines — Humataw si Fil-Canadian Savi Davison ng 17 points mula sa 16 attacks at isang block para banderahan ang PLDT Home Fibr sa 25-17, 25-20, 25-17 paggupo sa Capital1 Solar Energy sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Confe­rence kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Nag-ambag si Fiola Ceballos ng 11 markers bukod sa 16 excellent digs para sa 3-0 record ng High Speed Hitters na nakahugot din ng 11 points kay Erika Santos.

“Actually, iyong results ng past three games hindi gaano masyadong nag-a-affect sa amin eh,” ani coach Rald Ricafort. “Doon talaga kami sa pagma-mindset kung paano i-look forward iyong mga stronger teams.”

Pinamunuan ni Heather Guino-O ang Solar Spikers, bagsak sa 0-3 marka, sa kanyang 10 points.

Inilista ng PLDT ang 2-0 kalamangan at kinuha ang 5-1 abante sa pagbubukas ng third set bago iwanan ang Capital1 sa 15-6.

Nakahabol ang Solar Spikers sa 15-21 tampok ang block point ni Jorelle Singh kasunod ang pagbibida nina Ceballos at Santos para tapusin ng High Speed Hitters ang laro sa loob ng isang oras at 24 minuto.

Samantala, magkakaroon ang PVL ng holiday break matapos ang laro sa Disyembre 14 at magbabalik sa Enero 18 ng susunod na taon.

Show comments