EJ pumirma sa NXLED

EJ Laure.

MANILA, Philippines — Mula sa Chery Tiggo ay lumipat si EJ Laure sa Nxled sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.

Muling sasabak sa aksyon si Laure sa pagsagupa ng Chameleons sa Crossovers ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng PLDT High Speed Hitters at Capital1 Solar Spikers sa alas-4 ng hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Umaasa ang Nxled na makakasampa sila sa win column sa pagdating ni Laure katuwang sina Chiara Permentilla, Lycha Ebon, Lucille Almonte, May Luna at Krich Macaslang.

Yumukod ang Chameleons sa ZUS Coffee Thunderbelles, 25-19, 23-25, 22-25, 15-25, habang nakalasap ang Crossovers ng 19-25, 25-20, 18-25, 21-25, kabiguan sa Cignal HD Spikers.

Magkasosyo sa liderato ang PLDT, nagdedepensang Creamline at Cignal HD sa magkakatulad nilang 2-0 baraha kasunod ang Akari (2-1), Petro Gazz (2-1), Choco Mucho (2-1), ZUS Coffee (1-1), Chery Tiggo (1-1), Capital1 (0-2), Nxled (0-2), Farm Fresh (0-2) at Galeries Tower (0-3).

Samantala, ang pagsolo sa liderato ang pakay ng PLDT sa pagsagupa sa Capital1.

Nagmula ang High Speed Hitters sa 27-25, 25-22, 25-23 paggupo sa Highrisers sa kanilang huling laro tampok ang 28 points ni Fil-Canadian Savi Davison.

“Hindi na pushover ang mga tao, eh. Lahat magaling, lahat ma­lakas na,” ani coach Rald Ricafort. “Katulad ng pag-remind ko, hindi porke’t naka 2-0 na, medyo bababa ‘yung level, kailangang same lang hanggang dulo.”

Nakatikim naman ang Solar Spikers ng 20-25, 24-26, 28-26, 9-25 pagkatalo sa Flying Titans para sa kanilang ikalawang dikit na kamalasan.

Show comments