MANILA, Philippines — Nasikwat ng San Miguel sina Juami Tiongson at Andreas Cahilig mula sa Terrafirma kapalit ang mga beteranong sina Terrence Romeo at Vic Manuel isang araw bago magbukas ang 2024 PBA Commissioner’s Cup.
Aprubado na ang biglaang two-for-two trade na magbibigay ng bagong koponan sa apat na manlalaro matapos ang matagal na pananatili sa kanilang dating mother ball clubs.
Para sa SMB, paraan ito upang sumubok ng bagong panlasa matapos mabigo sa dalawang sunod na conferences — una sa finals ng Philippine Cup kontra sa Meralco at ikalawa sa Barangay Ginebra sa semifinals ng katatapos lang na Governors’ Cup.
Dagdag ngayon sa alas ni head coach Jorge Gallent si Tiongson na siyang top scorer ng Terrafirma nang makapasok ito sa playoffs noong nakaraang Philippine Cup sa unang pagkakataon matapos ang 8 seasons.
Doon ay napuwersa nila ang SMB sa Game 2 ng quarterfinals bago kapusin lang nang bahagya, sa tulong din ni Cahilig na 24th overall pick ng Globalport (NorthPort ngayon) noong 2017 PBA Rookie Draft.
Nagwagi ng tatlong titulo si Romeo, 5th overall pick ng Globalport noong 2013, sa SMB habang dalawa naman kay Manuel na No. 9 pick ng Bmeg bago rin mapunta sa Globalport noong 2012.
Si Tiongson naman ay 12th overall pick ng Blackwater noong 2014 bago mapunta sa NLEX, Northport at tsaka Terrafirma noong 2019 kung kailan siya nagsimula maging core player ng koponan.