PUERTO PRINCESA, Philippines — Ibinulsa ni Masbate thrower Jewel Courtney Trangia ang unang gold medal, habang hinirang si Pasig City swimmer Arvin Naeem Taguinota bilang unang double-gold winner sa 16th Batang Pinoy National Championships kahapon dito sa Ramon V. Mitra Jr. Sports Complex.
Pinitas ng 17-anyos na si Trangia ang ginto sa women’s under-18 discus throw sa inihagis na 38.30 meters para sapawan sina Hannah Ashlei Regaya (31.54m) ng Davao Del Norte at Trisha Gayle Nalla (31.06m) ng City of Maasin.
Ito ang ikatlong sunod na Batang Pinoy gold ng tubong Barangay Bongcanaway, Masbate matapos noong 2022 sa Vigan at 2023 sa Manila.
“Makapagtapos po ng pag-aaral,” pangarap ng Grade 12 student ng Masbate Sports Academy na si Trangia. “Gusto ko po kumuha ng Bachelor of Education major in PE para maibahagi ko po iyong knowledge ko sa sports sa mga kabataan.”
Bibiyahe si Trangia ngayong araw patungong Malaysia para sumabak sa Malaysian Open Athletics 2024.
Sumikwat din ng ginto ang 13-anyos na si Rich Justin A. Torres ng Tarlac Province sa boys’ under-16 shot put sa kanyang inilistang 12.16m.
Sa swimming, nilangoy ni Taguinota ang dalawang ginto sa boys’ 12-13 200 LC Meter IM (2:22.02) at sa boys’ 12-13 100 LC Meter freestyle (57.92) events.
Kumuha rin ng gold sina Sophia Rose Garra (2:31.82) ng Malabon sa girls’ 12-13 200 LC Meter IM, Kyla Louise Bulaga (2:33.50) ng San Fernando, La Union sa girls’ 14-15 200 LC Meter IM at Liaa Margareth Amoguis (2:33.25) ng Quezon City sa girls’ 16-17 200 LC Meter IM.