MANILA, Philippines — Ang pagsolo sa liderato ang pakay ng Akari sa pagsagupa sa nagdedepensang Creamline sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Lalabanan ng Chargers ang Cool Smashers ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng Petro Gazz Angels at Farm Fresh Foxies sa alas-4 ng hapon sa Candon City Arena sa Candon, Ilocos Sur.
Magkasosyo sa unahan ng team standings ang Akari, Cignal HD at PLDT Home Fibr sa magkakatulad nilang 2-0 baraha, habang may 1-0 marka ang Creamline.
Magkasunod na tinalo ng Chargers ang Galeries Tower Highrisers, 28-30, 25-15, 25-16, 25-23. at ZUS Coffee Thunderbelles, 25-14, 25-21, 19-25, 25-23.
“Every training, every game talaga, talagang tinatrabaho namin. Iyong pasensya talaga mas hinabaan po namin ngayon conference,” wika ni wing spiker Ivy Lacsina.
Sinimulan ng Cool Smashers ang kanilang title defense mula sa 25-19, 25-22, 25-16 pagwalis sa Gazz Angels tampok ang pagbabalik-aksyon ni Alyssa Valdez.
Bukod kay Lacsina, muli ring aasahan ng Akari sina Cel Domingo, Faith Nisperos, Fifi Sharma, Grethcel Soltones at Joy Soyud.
Makakasama ni Valdez sa Creamline sina Jema Galanza, Michelle Gumabao, Bernadeth Pons, Pangs Panaga at Kyle Negrito.