Biñan-Quezon sa MPVA Finale
MANILA, Philippines — Sinibak ng Biñan Tatak Gel 1-Pacman Partylist ang paboritong Bacoor, 25-21, 26-24, 25-21, sa do-or-die Game 2 upang makapag-martsa sa finals ng 2024 Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) kamakalawa ng gabi sa Alonte Sports Arena sa Laguna.
Dehado man dahil sa twice-to-beat disadvantage, hind ito ininda ng terserang Volley Angels nang kaldagin nang dalawang beses ang No. 2 na Strikers para maitakda ang championship showdown kontra sa primerang Quezon Tangerines.
Naunang nakapasok ang Quezon, armado rin ng twice-to-beat, matapos ang 25-22, 25-23, 23-25, 19-25, 15-10 panalo kontra sa No. 4 na Rizal St. Gerrard Charity Foundation.
Sisiklab ang Game 1 ng titular showdown sa Lunes sa Alonte Sports Arena na homecourt ng Biñan bago magtungo sa homecourt ng Tangerines sa Quezon Convention Center sa Lucena at South Quezon Convention Center sa Gumaca para sa Games 2 at 3, ayon sa pagkakasunod.
Hindi naging madali subalit nakasunod agad ang Biñan sa pangunguna ni Erika Jin Deloria.
Pumalo ng 16 puntos sa 15 hits at 1 ace si Deloria upang makumpleto ang upset series win ng Biñan matapos ding humataw ng 16 puntos sa 25-18, 25-18, 25-16 panalo nila sa Game 1 na ginanap sa Bacoor.
Matatandaang hindi man lang nanalo ang Biñan sa Bacoor sa dalawang sagupaan sa elimination round subalit naging matindi ang ganti nang hindi man lang paisahin ng set ang Strikers sa pinakamahalagang semis duel.
Tanging si Cyrille Joie Alemeniana na may 15 puntos ang nakapagpakitang-gilas para sa Strikers na susubok maiuwi pa rin ang bronze medal sa knockout game kontra sa Rizal matapos mag-reyna sa una subalit mas maikling MPVA Season na wala pang home-and-way format.
- Latest