MANILA, Philippines — Susubok na makaisa na wakas ang Gilas Pilipinas kontra sa New Zealand sa pag-arangkada ng ikalawang window ng 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Blanko pa ang Gilas sa apat na duwelo kontra sa Tall Blacks sa average losing margin na 24.3 points kaya hindi na magpapaawat upang makaiskor na ng inaasam na tagumpay ngayong alas-7:30 ng gabi.
Huling nagsagupa ang Gilas at New Zealand noong 2022 FIBA Asia Cup kung saan lumasap ang Nationals ng 75-92 kabiguan subalit ngayon ay kumpyansa sila na kaya nang makipagsabayan at makasilat.
“I don’t think they’ve seen a team like the team we’re assembling before so I think we got a shot at beating them,” wika ni Gilas coach Tim Cone matapos ang 96-82 tune-up game win ng Gilas kontra sa Meralco.
“We want to certainly protect our home court, and we want to show ourselves to the Gilas fans around the country. These are all very, very important to us so I really expect us to be ready and motivated to play.”
Bukod kasi sa homecourt advantage ay may solidong line-up na masasandalan ang Gilas na buong taon nang matagal na ring magkakasama tampok ang kampeonato sa Southeast Asian Games at Asian Games pati na ang solidong kampanya sa 2024 FIBA Olympic Qualifying.
Doon ay sinilat ng Gilas, ang World No. 34, ang No. 6 at home team na Latvia, 89-80, tungo sa pambihirang semifinal finish sa nasabing torneo.
Babandera sa Gilas sina naturalized player Justin Brownlee at eight-time PBA MVP June Mar Fajardo kasama sina Kai Sotto, Dwight Ramos, Chris Newsome, Scottie Thompson, CJ Perez at Japeth Aguilar.
Swak din sa tropa sina Carl Tamayo, AJ Edu, Mason Amos, Jamie Malonzo, Calvin Oftana, isa pang naturalized player Ange Kouame at UAAP MVP Kevin Quaimbao para kumpletuhin ang 15-man pool.
Saktong 12-man team lang ang lalaro sa New Zealand, habang puwede ang iba sa susunod na laro sa Linggo kontra sa Hong Kong sa parehong venue.
Tabla sa No. 1 ng Group B ang Gilas at New Zealand, pangungunahan ni bagong head coach Judd Flavell, tampok ang magwawagi bilang solo leader.
Sa first window ay kinaldag ng Gilas ang Hong Kong, 94-64, at isinunod ang New Taipei, 106-53, habang pinabagsak naman ng New Zealand ang Chinese Taipei, 89-69, at Hong Kong, 88-49.