MANILA, Philippines — Kinahon ng Biñan Tatak Gel 1-Pacman Partylist ang 25-18, 25-18, 25-16, road win kontra second seeded Bacoor upang makahirit ng deciding Game 2 ng 2024 Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) semifinals na nilaro sa Bacoor Strike Gym sa Cavite, kahapon.
Ipinakita ng Volley Angeles ang kanilang tikas kahit may homecourt advantage ang Strikers na may tangan na twice-to-beat bonus.
Pinamunuan ni Erika Jin Deloria ang opensa para sa Biñan Tatak Gel 1-Pacman Partylist sa nilistang 16 points mula sa 14 hits at dalawang service aces.
Nasa Biñan ang momentum at lamang sa homecourt dahil dadayuhin sila ng Bacoor sa knockout game sa Huwebes sa Alonte Sports Arena.
Haharapin ng mananalo ang No. 1 seed Quezon Tangerines sa best-of-three championship series sa volleyball league na itinaguyod ni dating senator at MPBL chairman Manny Pacquiao.
Tinalo ng inaugural champion, Bacoor ang Biñan ng dalawang beses sa eliminations, 25-19, 25-23, 25-20 at 20-25, 25-22, 25-16, 21-25, 15-3, kaya naman liyamado sila ng todo bago nagsimula ang paluan sa semifinals.
Pero naging matatag ang Volley Angels, determinado silang manalo upang makapalo ng bola sa championship round sa event na suportado ng Extreme One-Stop Shop Appliances, ASICS, Mikasa at Gerflor.