Quezon swak sa Finals

Rhea Densing of Quezon over Yvonne Martin Rizal.

MANILA, Philippines — Swak na sa finals ang primerang Quezon Tangerines matapos ang pambihirang 25-22, 25-23, 23-25, 19-25, 15-10 panalo kontra sa dehadong Rizal St. Gerrard Charity Foundation sa semifinals ng 2024 Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) kahapon sa Bacoor Strike Gym sa Cavite.

Nalustay ng Quezon ang 2-0 bentahe subalit nakabawi sa deciding fifth set sa pangunguna nina Rhea Mae Densing at Mycah Go para masiguro ang win-once bonus bilang No.1 seed sa elimination rounds hawak ang 14-2 rekord.

Winalis ng Quezon ang Rizal sa dalawang sagupaan sa eliminations tampok ang isang set na kabiguan lang subalit kinailangan ng 5 sets at lagpas dalawang oras lang para maisukbit ang pahirapang tagumpay.

Sa kabutihang palad ay nag-akbay sina Densing at Go sa 29 at 23 puntos, ayon sa pagkakasunod kabilang na ang 8 puntos sa fifth set, kung saan sila kumaripas sa 10-5 ratsada tungo sa tagumpay.

Umalalay sa kanila sina Cristy Ondangan at Mary Grace Borromeo na may 14 at 8 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Tangerines na pinatunayan agad ang kakayahan kahit pa bagong koponan lang sa MPVA.

Isa ang Quezon kasama ang Rizal sa expansion franchises ng nine-team upstart league na binuo ni dating Senador at MPBL chairman din na si Manny Pacquiao.

Haharapin ng Tangerines ang magwawagi sa isa pang semis pairing as of press time tampok ang No. 2 na Bacoor Strikers at No.3 na Biñan Tatak Gel 1-Pacman Partylist.

Tulad ng Quezon ay may hawak na twice-to-beat bonus ang Bacoor na siyang nag-kampeon sa inaugural pero mas maikli at hindi home-and-away format ng MPVA.

Umiskor ng tig-24 puntos sina Joan Doguna at Johna Denise Dolorito habang may 15 puntos din si Janeth Tulang para sa solidong kampanya ng Rizal na may tsansa pa sa bronze medal kontra sa matatalo sa Bacoor-Biñan semis bracket.

Show comments