MANILA, Philippines — Unang sasalang ang Converge at Terrafirma sa pagbubukas ng Season 49 PBA Commissioner’s Cup sa Nobyembre 27 sa Philsports Arena sa Pasig City.
Isasabak ng FiberXers si dating NBA player Cheick Diallo sa pagsagupa nila sa Dyip na itatapat si Ryan Richards sa nasabing mid-season conference na walang height limit ang mga imports.
Ang 6-foot-8 na si Diallo, ang second round pick ng Los Angeles Clippers sa 2016 NBA Draft, ay teammate ni dating Phoenix top gun Matthew Wright sa Kyoto Hannaryz sa Japan B. League.
Dating miyembro naman si Richards ng Great Britain men’s national team.
Magtutuos ang Converge at Terrafirma sa alas-5 ng hapon kasunod ang upakan ng Phoenix at guest team Hong Kong Eastern, pinagpipilian sina imports Cameron Clark at Chris McLaughlin, sa alas-7:30 ng gabi.
Ang San Miguel Beermen, inaasahang tatapikin si dating FiberXers reinforcement Quincy Miller, ang magdedepensa sa kanilang korona.
Sisimulan ng Beermen ang kanilang title defense sa Disyembre 3 laban sa Fuel Masters na magpaparada kay 6’9 Donovan Smith.
Muli namang sasabak sa torneo sina balik-PBA George King ng Blackwater at Ricardo Ratliffe ng Magnolia.
Ang ibang bagong mukha ay sina 6’9 Akil Mitchell ng Meralco, 6’11 Kavell Bigby-Williams ng NorthPort at 6’11 Kenneth Kadji ng Rain or Shine.
Naghahanap ng bagong import ang NLEX dahil sa biglaang pag-uwi sa US ni dating NBA veteran Ed Davis bunga ng family emergency.