MANILA, Philippines — Bukas ang pintuan ng TNT Tropang Giga sa trade para kay Fil-American guard Mikey Williams.
“If they’re willing to get Mikey and for them to talk to him personally, we’ll trade his rights. It’s up to them,” sabi ni Tropang Giga team manager Jojo Lastimosa sa 11 pang PBA teams.
Matapos pagharian ng TNT ang Season 47 Governors’ Cup laban sa Barangay Ginebra ay naging mailap si Williams sa PLDT franchise.
Hanggang sa tuluyan nang nawalan ng koneksyon ang Tropang Giga sa rebeldeng point guard bago magsimula ang PBA Season 48 noong nakaraang taon.
Bago ito ay nawala ring parang bula si Williams ng ilang linggo para sa kanyang contract renewal sa TNT bago pumayag lagdaan ang isang three-year deal sa 2022 PBA Philippine Cup quarterfinals.
Sa paglalaro ng 2020 Rookie of the Year sa PBA ay nabigyan niya ang Tropang Giga ng dalawang korona kung saan siya hinirang na Finals MVP.
Samantala, si two-time PBA Best Import Rondae Hollis-Jefferson pa rin ang ipaparada ng TNT sa darating na Season 49 Commissioner’s Cup.