Valdez kinabahan sa pagbabalik-aksyon
MANILA, Philippines — Matapos ang apat na buwan ay muling naglaro si Alyssa Valdez sa panalo ng nagdedepensang Creamline sa Petro Gazz sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference noong Sabado sa Ynares Center sa Antipolo City.
Bagama’t tumapos lamang na may limang puntos mula sa apat na attacks at isang block sa 25-19, 25-22, 25-16 pagwalis ng Cools Smashers sa Gazz Angels ay sapat na ang paglalaro ni Valdez para sa dagdag na puwersa ng Grand Slam champions.
“Sobra talaga ‘yung kaba ko, but sabi nga ni coach (Sherwin Meneses) it’s a total team effort, so hindi mo talaga mapi-feel na may dala-dala ka,” sabi ng three-time PVL MVP. “You just have to perform and bring yourself there to help the team.”
Dahil sa minor injury ay hindi nakalaro ang 31-anyos na tubong San Juan, Batangas sa nakaraang PVL Reinforced Conference at Invitational Conference na kapwa pinagreynahan ng Creamline.
Ayon kay Meneses, hindi naging problema sa Cool Smashers ang pansamantalang pagkawala ni Valdez at Tots Carlos.
Mas naging kumpiyansa pa ang mga kagaya nina Jema Galanza at Bernadeth Pons sa kanilang mga laro.
Kontra sa Petro Gazz ay pumalo si Galanza ng 13 points mula sa 10 attacks, dalawang service aces at isang block bukod sa siyam na excellent digs at naglista si Pons ng 10 points, 13 excellent digs at 13 excellent receptions.
“Sobrang saya kasi ‘yung nangyari is talagang total teamwork ‘yung nangyari. Lahat nag-perform nang maganda, nang maayos,” ani Meneses.
Sunod na lalabanan ng Creamline (1-0) ang Akari (2-0) sa Nobyembre 23 sa Candon City Arena.
- Latest