Quezon, Bacoor ikakasa ang Finals showdown
MANILA, Philippines — Misyon ng top seeds Quezon Tangerines at Bacoor Strikers na maitakda ang kanilang titular showdown sa pagsagupa sa Rizal St. Gerrard Charity Foundation at Biñan Tatak Gel 1-Pacman Partylist sa 2024 Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) semifinals.
Lalabanan ng No. 1 Tangerines ang No. 4 Rizal ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang banggaan ng No. 2 Strikers at No.3 Volley Angels sa alas-4 ng hapon sa Bacoor Strike Gym sa Cavite.
Parehong may bitbit na ‘twice-to-beat advantage ang Quezon at Bacoor kontra sa Rizal at Biñan, ayon sa pagkakasunod.
Bumandera ang Tangerines at Strikers sa two-round eliminations at hangad maplantsa ang kanilang best-of-three title series para sa korona ng MPVA na itinatag ni dating Senator at MPBL chairman Manny Pacquiao.
Tinalo ng Tangerines ang Rizal, 25-21, 25-20, 25-23 at 25-14, 27-29, 25-19, 25-14, sa dalawang beses nilang pagtutuos.
May 2-0 record din ang Bacoor (12-4) laban sa Biñan (11-5) sa MPVA na suportado ng Extreme One-Stop Shop Appliances, ASICS, Mikasa at Gerflor kasama ang MPTV at Outcomm bilang broadcast partners.
- Latest