MANILA, Philippines — Inaasahang papasok agad sa training camp si Barangay Ginebra assistant playing coach LA Tenorio kasama ang Gilas Pilipinas sa oras na matapos ang checkup nito sa Singapore.
Nagtungo si Tenorio sa Singapore para sumailalim sa kanyang regular na checkup doon.
Matatandaang napagtagumpayan ni Tenorio ang sakit nitong stage 3 colon cancer kung saan na-clear na ito ng mga doktor at lubos nang gumaling.
Subalit kailangan pa rin ng regular na pagsusuri para mabantayan ito ng husto at hindi na bumalik pa ang sakit.
“He has some health related things he has to do during the window. He’s gonna be missing a couple of days ‘cause he has to go back to Singapore for a couple of checkups,” ani Cone.
Kasalukuyang nagsasanay ang Gilas Pilipinas sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna para paghandaan ang second window ng FIBA Asia Cup Qualifiers.
Nasa ikatlong araw na ang ensayo.
Malaki ang tulong ni Tenorio sa Gilas Pilipinas training dahil naibabahagi nito ang kanyang karanasan sa international tournaments.
Ilang taon ding naging bahagi ng Gilas Pilipinas si Tenorio.
Bukod pa rito ang malalim nitong karanasan sa paglalaro sa PBA.
Matapos gumaling sa kanyang sakit, nakabalik sa paglalaro si Tenorio sa PBA.
Huli itong nasilayan sa finals series ng Barangay Ginebra kontra sa Talk ’N Text Tropang Giga sa katatapos na PBA Governors’ Cup.
Bahagi si Tenorio ng Gilas na nagkampeon sa 2012 William Jones Cup habang nakapilak ito sa 2013 FIBA Asia Men’s Championship sa Maynila at tanso naman sa 2014 FIBA Asia Cup sa Wuhan, China.
Kasama rin si Tenorio sa matikas na tropa ng Gilas na sumabak sa 2014 FIBA World Cup sa Seville, Spain.