Level ng Gilas training itataas na

Gilas Pilipinas head coach Tim Cone.
FIBA

MANILA, Philippines —  Mabagal pa ang simula ng ensayo ng Gilas Pilipinas sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna para sa FIBA Asia Cup Qualifiers.

Ngunit inaasahang itataas na ang lebel ng training sa mga susunod na araw.

Alam naman ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na galing sa magkakaibang torneo ang bawat miyembro ng tropa kaya’t nangangapa pa ito sa unang araw ng training camp.

“I think we were a little sluggish today. I think the guys who were coming off the games right off in Japan, even the (PBA Governors’ Cup) Finals, the EASL. So, we were a little sluggish today, which is ok, we live with that,” ani Cone sa panayam ng One Sports.

Ngunit umaasa si Cone na mas magiging intense ang ensayo ng Gilas Pilipinas sa mga susunod na araw upang mabilis na makabuo ng chemistry.

Galing si Dwight Ramos sa Japan B.League habang kasama si Chris Newsome ng Meralco na sumabak sa EASL game kung saan nanalo ang Bolts sa Busan KCC Egis.

Naglaro rin sa EASL sina June Mar Fajardo at CJ Perez para naman sa San Miguel Beer ngunit lumasap ito ng 101-85 kabiguan sa Taoyuan Pauian Pilots.

Sariwa naman sina Barangay Ginebra standouts Scottie Thompson at Japeth Aguilar sa kampan­ya sa katatapos na PBA Governors’ Cup.

Dumating din si Jamie Malonzo na nagpapagaling pa sa calf injury gayundin sina Calvin Oftana ng Talk ’N Text, naturalized player Angge Kouame, at sina De La Salle University standouts Mason Amos at Kevin Quiambao.

Present din sina AJ Edu at Kai Sotto .

Show comments