Foxies winalis ng HD Spikers

Ces Molina of the Cignal.

MANILA, Philippines — Humataw si Ces Molina ng 14 points mula sa 11 attacks at tatlong service aces para sa 25-15, 25-18, 25-21 pagwalis ng Cignal HD sa Farm Fresh sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.

Nagdagdag si Jovs Fernandez ng 11 markers para sa HD Spikers habang may tig-pitong puntos sina Roselyn Doria at Riri Me­neses kasunod ang anim na marka ni Vanie Gandler.

“Siyempre, sobrang happy sa naging performance ng team,” ani coach Shaq delos Santos. “We know na marami pa ka­ming puwedeng ma-execute nang maayos. But ang good thing nag-perform lahat and hopefully madala namin sa next game.”

Pinamunuan ni Trisha Tubu ang Foxies sa kanyang 15 points habang may siyam na marka si Rizza Cruz.

“Masaya pero marami pang kailangang i-adjust at idagdag, kasi kahit naman nanalo kami ngayon marami pa kaming lapses na dapat trabahuhin pa,” ani Cignal setter Gel Cayuna na nagtala ng 16 excellent sets.

Hindi sumalang para sa Farm Fresh si veteran Rachel Anne Daquis dahil wala pa siya sa kondisyon kasama ang mga bagong hugot na sina Jheck Dionela, AJ Jingco at Fil-Am setter Alohi Robins-Hardy.

Huling naglaro ang 36-anyos na outside hitter para sa Cignal noong 2023 PVL Invitational Conference bago nawala sa eksena.

Matapos kunin ng HD Spikers ang 2-0 abante ay pumalag ang Foxies sa third set kung saan naagaw nila ang 11-9 kalamangan mula sa atake ni middle blocker Aprylle Tagsip.

Ngunit sumakay ang Cignal kina Molina at Me­neses para ilista ang 16-13 bentahe patungo sa match point, 24-20.

Tinapos ni Ishie Lalongisip ang Foxies mula sa kanyang crosscourt attack para sa unang panalo ng HD Spikers sa six-month tournament.

Show comments