Kai Sotto posibleng makalaro vs Tall Blacks

MANILA, Philippines — Malaki ang posibilidad na makapaglaro si Kai Sotto sa laban ng Gilas Pilipinas kontra sa New Zealand sa FIBA Asia Cup Qualifiers sa Nobyembre 21 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ito ang masayang ibinalita ni Gilas Pilipinas team manager Richard del Rosario dahil malapit nang makumpleto ng 7-foot-3 Pinoy cager ang protocol requirements na inilatag ng Japan B.League.

Matatandaang nagtamo ng injury si Sotto sa panalo ng Koshigaya Alphas kontra sa Yokohama B-Corsairs, 80-72, sa Japan B.League.

Aksidente itong natamaan ni Yokohama import Damien Inglis sa mukha dahilan para ilagay ito sa concussion protocol.

May anim na steps ang protocol.

“There is a chance that he will play versus New Zealand,” ani Del Rosario sa isang ulat.

Matindi na ang paghahanda ng Gilas Pilipinas lalo pa’t hindi birong kalaban ang New Zealand na nagtataglay ng malaking lineup.

Kaya naman malaking tulong kung makapaglalaro si Sotto upang mabigyan nito ng height ang Gilas Pilipinas.

Maganda ang inilaro ni Sotto sa first window ng FIBA Asia Cup Qualifiers noong Pebrero.

May averages itong 15.5 at 14 rebounds.

Tinalo ng Gilas Pilipinas ang Hong Kong, 94-64, kasunod ang Chinese-Taipei sa iskor na 106-53.

Kasama si Sotto sa training camp ng Gilas Pilipinas sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.

Bukod sa New Zealand, makakalaban din ng Gilas Pilipinas sa seocnd window ang Hong Kong sa Nobyembre 24.

Show comments