MANILA, Philippines — Sasamantalahin ni Gilas Pilipinas coach Tim Cone ang ilang araw na training camp nito upang makabuo ng solidong game plan ang kaniyang tropa para sa FIBA Asia Cup Qualifiers second window na hahataw sa Nobyembre 21 at 24 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Hindi gaya ng dati, minabuti ni Cone na huwag nang magkaroon ng public practice dahil nais nitong gamitin ang bawat minuto ng ensayo ng Gilas Pilipinas sa pukpukang ensayo.
Matinding laban ang haharapin ng Gilas Pilipinas partikular na ang pagsagupa nito sa New Zealand Tall Blacks sa Nobyembre 21.
“I don’t know if we’ll have the time to do something like we have in the past in Philsports in front of the fans because we only have five days of preparation this time,” ani Cone.
Maraming dapat ayusin ang Gilas Pilipinas lalo pa’t hindi makapaglalaro si AJ Edu, habang nanganganib din na hindi masilayan sa aksiyon si Kai Sotto na parehong nasa obserbasyon.
Kaya naman napakaimportante ng bawat araw ng ensayo ng Gilas Pilipinas na ngayong lamang muling maglalaro nang magkakasama matapos ang FIBA Olympic Qualifying Tournament noong Hulyo.
“Those five days are really crucial, each day and each practice is going to be very crucial for us. Maybe next time, with longer preparation, we’ll have an opportunity to do that,” ani Cone.
Inihahanda na ang ilang tuneup games ng Gilas Pilipinas.
Ilan sa mga posbileng makaharap ng Gilas squad ang mga PBA teams na naghahanda para sa Commissioner’s Cup.
“The coaching staff is looking into facing other teams for tune-ups. We’ve been looking around, we might invite a PBA team to come on up and play us,” wika ni Cone.