Bulldogs nagbaon ng panalo

MANILA, Philippines — Taas noong magbabakasyon ang National University sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament.

Ito’y dahil kinaldag nila ang defending champions De La Salle University, 63-54 kahapon na nilaro sa UST Quadricentennial Pavilion.

Natapos ang kampan­ya ng Bulldogs na sakmal ang 5-9 at sila lamang ang team na tinalo ang DLSU at last year’s runner-up University of the Philippines.

Papasok ang Green Archers at Fighting Maroons na naka-puwestong 1 at 2 sa team standings tangan ang 12-2 at 9-3 baraha, ayon sa pagkakasunod.

Dahil sa ipinakitang determinasyon ng Bulldogs ay kinalsuhan nila ang nine- game winning streak ng Taft-based squad.

Naging makulay din ang huling paglalaro nina Patrick Yu at Donn Lim bilang Bulldogs, nakatakda na silang humakbang sa susunod na yugto ng kanilang career.

“So happy sa mga pla­yers talaga na binigay nila yung best nila up to the last. See you next year. Ganon kasimple. Definitely, and hopefully, maging healthy kami talaga next year para at least maganda yung magiging performance namin,” ani NU head coach Jeff Napa.

Nakalapit ang Green Archers sa kalagitnaan ng fourth quarter matapos maglagak si Nigerian slotman Henry Agunanne ng anim na puntos sa kanilang 8-2 run at tapyasin sa tatlo ang hinahabol, 50-53 may 4:38 minuto pa sa orasan.

Pero hindi nagpabaya sina Jake Figueroa at PJ Palacielo na umiskor para sa NU upang ilayo muli ang bentahe, 61-52 may 1:13 minuto na lang sa laro.

Nagtala si Palacielo ng 16 puntos at walong rebounds habang tumikada si Figueroa ng 14 markers at tatlong boards.

Show comments