Go suportado ang PNPG

MANILA, Philippines — Suportado ni Sen. Christopher “Bong” Go ang isinasagawang 8th Philippine National Para Games (PNPG) sa Rizal Memorial Sports Complex at Philsports Complex.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Sports at Committee on Youth ay pinuri ni Go ang dedikasyon ng mga atleta na nakikipaglaban sa iba’t ibang events kagaya ng archery, badminton, boccia, chess, swimming, table tennis, wheelchair basketball, athletics at powerlifting.

“Sa ating mga atleta na sumali sa iba’t ibang sports... tunay po kayong inspirasyon. Ang inyong determinasyon na magta­gumpay... ay nagpapakita ng inyong lakas ng loob at sipag na magsilbing huwaran para sa lahat,” wika ni Go.

Ayon sa Senador, ang sports ay hindi lamang tungkol sa kompetisyon kundi mahalaga din para sa pangkalahatang kaga­lingan.

Naging adbokasiya na ni Go na ipakilala ang sports upang manatiling malusog ang bawat isa at umiwas sa masasamang bisyo.

Ang kanyang kampan­ya na “get into sports, stay away from drugs to keep us healthy and fit” ay sumasalamin sa kanyang pananaw sa isang lipunan kung saan ang sports ay nagtatanim ng disiplina, pagtutulungan, at paggalang sa mga mamamayan nito.

Nagbukas ang PNPG noong Nobyembre 10 at magtatapos sa Nobyembre 14.

Ito ay isang panguna­hing pambansang kompetisyon para sa mga atletang may kapansanan na nagbibigay ng landas sa pambansang representasyon sa mga prestihiyosong ASEAN Para Games at Paralympics.

Para kay Go, kahanga-hanga ang para-athletes na kadalasang binabansagan bilang PWDs o “persons with disabilities” kaya nais niyang tawagin sila bilang ‘persons with determination.’

Show comments