MANILA, Philippines — Inangkin ng Bacoor ang No. 2 seed kasama ang “twice-to-beat” bonus sa semifinals matapos talunin ang San Juan, 25-8, 23-25, 25-21, 25-19, sa 2024 Maharlika Pilipinas Volleyball Association noong Lunes ng gabi sa Bacoor Strike Gym sa Cavite.
Tinapos ng Strikers ang kanilang kampanya bitbit ang 12-4 record para agawin ang second spot sa Biñan Tatak Gel (11-5) sa pagsasara ng two-round eliminations ng MPVA na itinatag ni dating Senator at ngayon ay MPBL chairman Manny Pacquiao.
Nagbagsak si Cyrille Joie Alemeniana ng 26 points mula sa 24 hits at dalawang aces para sa ikaapat na sunod na panalo ng Bacoor na nagmula sa fourth place sa gitna ng torneo.
Nag-ambag si Jemalyn Menor ng 17 markers habang may 11 at 10 points sina Camille Bustamante at Winnie Bedana, ayon sa pagkakasunod.
Lalabanan ng Bacoor, nagreyna sa inaugural edition, sa semifinals ang No. 3 seed Biñan at haharapin ng top-seed Quezon (14-2) ang No. 4 Rizal St. Gerrard Charity Foundation (10-5).
Isang panalo lang ang kailangan ng Quezon at Bacoor para makapasok sa championship round ng nine-team MPVA na suportado ng Extreme One-Stop Shop Appliances, ASICS, Mikasa at Gerflor kasama ang MPTV at Outcomm bilang broadcast partners.
Bagsak ang San Juan (6-10) sa sixth place.
Samantala, umiskor ng panalo ang mga sibak nang ICC Negros at AM Caloocan.
Umiskor si Andrea Caparal ng 17 points para akayin ang Negros sa 25-22, 25-22, 25-12 pagdaig sa Quezon, habang tinalo ng Caloocan ang Rizal, 25-22, 25-21, 22-25, 28-26, sa likod ng 27 points ni Iari Yongco-Quimson.