PLDT sasagupa sa Nxled
MANILA, Philippines — Inaasahang naka-move on na ang PLDT sa masaklap na nangyari sa semifinals duel nila ng Akari sa nakaraang Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Haharapin ng High Speed Hitters ang Nxled Chameleons ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang bakbakan ng Chery Tiggo Crossovers at Capital Solar Spikers sa alas-6:30 ng gabi sa 2024-25 PVL All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Minalas ang PLDT sa kanilang semifinal match ng Akari sa Reinforced Conference sa isang kontrobersyal na unsuccessful challenge.
“Magmo-move on na lang tsaka at least may ganoong steps na gagawin para kapag mangyari ulit, hindi na kasing gulo noong nangyari last time,” sabi ni coach Rald Ricafort.
Tinugunan ng PVL ang isyu sa pakikipagtulungan sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF) para makahiram ng foreign referees na mamamahala sa semifinals at finals ng All-Filipino Conference.
Muling ibabandera ng PLDT sina Fil-Canadian Savi Davison, Kath Arado, Majoy Baron, Mika Reyes, Kianna Dy at Kim Fajardo katapat sina Chiara Permentilla, Lycha Ebon, Jho Maraguinot, May Luna, Krich Macaslang at Bang Pineda ng Nxled.
Gagawin ni Italian Ettore Guidetti ang kanyang PVL coaching debut sa paggiya sa Chameleons laban sa High Speed Hitters.
Sa ikalawang laro, bubuksan ng Crossovers ang kanilang kampanya na wala ang magkapatid na sina Eya at EJ Laure at libero Buding Duremdes sa pagsagupa sa Solar Spikers.
Wala pa ring koponang nalilipatan si Eya Laure dahil sa kanyang isyu sa kontrata sa Chery Tiggo.
“Since ganoon na nga, kailangan mag-move on, and mas nakita ko naman na ‘yung mga players namin na nag-step up sila,” ani bagong coach Norman Miguel na pumalit kay Kungfu Reyes.
Sa pagbubukas ng PVL AFC noong Sabado ay kaagad nagtala ng mga panalo ang Akari at Petro Gazz kontra sa Galeries Tower at Choco Mucho, ayon sa pagkakasunod.
- Latest