MANILA, Philippines — Pupuntiryahin ng Lyceum of the Philippines University ang playoff para sa ikaapat at huling semifinals berth sa pagharap sa Emilio Aguinaldo College sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball tournament.
Makikipagtuos ang Pirates sa Generals ngayong alas-11 ng umaga kasunod ang upakan ng mga sibak nang Perpetual Help Altas at Jose Rizal Heavy Bombers sa alas-2:30 ng hapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Magkasosyo sa liderato ang College of St. Benilde at ang Mapua University sa magkatulad nilang 13-3 record kasunod ang nagdedepensang San Beda University (10-6), Lyceum (8-8), EAC (8-8), Letran College (8-9), Arellano (6-10), Perpetual (6-11), San Sebastian College-Recoletos (5-11) at Jose Rizal (4-12).
Nakamit na ng Blazers at Cardinals ang ‘twice-to-beat’ incentive sa Final Four kung saan pasok na rin ang Red Lions.
May tsansa pa sa playoff para sa No. 4 spot ang Pirates, Generals at Knights.
Inaasahang maglalaro para sa Lyceum si forward JM Bravo na nawalan ng malay nang mabangga ni Renzo Abiera ng Arellano sa kanilang laro noong Oktubre 19.
Makikipag-agawan din ng playoff spot ang Generals na nagmula sa 69-59 panalo sa Chiefs.