MANILA, Philippines — Bigo ang Barangay Ginebra na masungkit ang kampeonato matapos yumuko sa Talk ’N Text Tropang Giga sa Game 6 ng PBA Governors’ Cup best-of-seven championship series noong Biyernes sa Smart Araneta Coliseum.
Maliban sa solidong kontribusyon ng mga local players, sumandal ng husto ang Tropang Giga kay veteran import Rondae Hollis-Jefferson para makuha ang 95-85 panalo.
Kaya naman desidido si Gin Kings import Justine Brownlee na makaresbak sa Tropang Giga at kay Hollis-Jefferson sa Commissioner’s Cup.
Aminado si Brownlee na mas maganda ang inilaro ng Tropang Giga sa series sa tulong ni Hollis-Jefferson.
“He fits that team very well, he definitely elevates them. They play better with him,” ani Brownlee.
Saludo si Brownlee sa magandang ipinamalas ni Hollis-Jefferson na isa sa tunay na nagpahiram sa GIn Kings sa buong panahon ng championship round.
“With the way they play with RHJ, they got something special in him, a lot of credit to him and what he’s doing on that team,” dagdag ni Brownlee.
Umaasa si Brownlee na muling magkukrus ang landas nila ni Hollis-Jefferson dahil desidido itong makabawi sa oras na magkita ang dalawa sa finals.
“We definitely would want to get back in the finals and would love to get a shot at them again,” ani Brownlee.
Nakatakdang isentro ni Brownlee ang atensiyon nito sa laban ng Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup Qualifiers na idaraos sa Nobyembre 21 at 24 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kung saan makakalaban ng Pinoy squad ang New Zealand at Hong Kong.