MANILA, Philippines — Bumangon ang Akari mula sa first-set loss para resbakan ang Galeries Tower, 28-30, 25-15, 25-16, 25-23, sa pagbubukas ng 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Pumalo si Gretchel Soltones ng 16 points para sa Chargers mula sa 13 attacks, dalawang service aces at isang block at may tig-16 markers din sina Ivy Lacsina at Faith Nisperos.
“Every crucial point iniisip ko na lang na para hindi sayang iyong pinagpaguran namin sa training,” wika ni Soltones sa pagdaig nila sa Highrisers.
Hindi nakalaro si Nisperos, kasama si Fifi Sharma sa nakaraang PVL Reinforced Conference dahil sa pagiging miyembro ng Alas Pilipinas.
“It’s a process, it’s a long conference so I’m gonna take that opportunity, more than trying to win but like trying to improve each game,” ani Nisperos.
Inangkin ng Galeries Tower ang first set, 30-28, sa loob ng 43 minuto hanggang makabalik sa kanilang porma ang Akari, natalo sa nagreynang Creamline Cool Smashers sa nakaraang PVL Reinforced Conference Finals, para agawin ang 2-1 bentahe.
Sa likod naman nina Ysa Jimenez, Jewel Encarnacion, Andrea Marzan at Julia Coronel ay nakadikit ang Highrisers sa 23-24 sa fourth set mula sa 18-22 pagkakaiwan.
Ngunit hinataw ni Eli Soyud ang huling puntos ng laro para selyuhan ang tagumpay ng Chargers ni Japanese coach Taka Minowa.
Pinamunuan ni Jimenez ang Galeries Tower sa kanyang 17 points mula sa 16 attacks at isang block at may 10 markers si Encarnacion.