MANILA, Philippines — Sa ikalawang sunod na pagkakataon ay muling tinalo ng TNT Tropang Giga ang karibal na Barangay Ginebra sa PBA Governors’ Cup Finals.
Kagaya sa Season 48 noong nakaraang taon, isinara rin ng Tropang Giga sa 4-2 ang kanilang best-of-seven championship series ng Gin Kings.
“It took a lot of belief from top to bottom, believing we can do it, trusting in our process. And everything, all the work we put in, paid off,” ani Best Import Rondae Hollis-Jefferson na umiskor ng 31 points sa 95-85 pagsibak ng TNT sa Ginebra sa Game Six ng Season 49 Governors’ Cup Finals noong Biyernes sa harap ng 14,668 fans sa Smart Araneta Coliseum.
Kinuha ng Tropang Giga ang Game One, 104-88, at Game Two, 96-84, bago inagaw ng Gin Kings ang Game Three, 85-73, at Game Four, 106-92, para itabla sa 2-2 ang kanilang serye.
Nakabalik ang PLDT franchise sa Game Five, 99-72, para dumikit sa korona.
Bukod sa matagumpay na pagdedepensa sa kanilang Governors’ Cup crown ay nakamit din ng TNT ang pang-10 titulo.
“I would like to give credit to coach Tim and the entire Ginebra team. It’s a hell of a series, especially this last game, Game 6,” ani Tropang Giga coach Chot Reyes sa Gin Kings ni mentor Tim Cone.
Kinailangan ng TNT na makabangon mula sa isang 11-point deficit sa third period matapos magpaputok ng 18 sa kanyang career-high 31 points si Ginebra rookie RJ Abarrientos.
“Chot said we didn’t come this far just to come this far and we got the championship,” wika ni Hollis-Jefferson na humugot ng 10 points sa krusyal na fourth period.
Marami namang natutunan si Abarrientos, hinirang na Rookie of the Year sa Korean Basketball League (KBL), sa kanyang PBA Finals debut para sa Gin Kings.
“Nakakadagdag ng gutom, so konting pahinga lang, then back to work ulit. Marami pa akong kailangang matutunan at gawin para maging good player para sa Ginebra,” sabi ng pamangkin ni PBA legend Johnny Abarrientos.